Mahigpit na binubusisi ngayon ng Senado ang panukalang 2014 national budget para makahanap ng paraan kung paano makatitipid para magamit sa iba pang gastusin ng pamahalaan.
Sa isang caucus, nagkaisa ang mga mambabatas na ibasura ang ilang congressional oversight committees na hindi na kailangan at tinatayang aabot ng P50 milyon ang matitipid ng Senado kada taon ayon kay Senate President Franklin Drilon.
Aniya, pag-uusapan pa ng kongreso kung anong mga komite ang tatanggalin at mananatili.
Ang oversight committees ay mga komite na itinatag sa pamamagitan ng batas o resolusyon upang bantayan ang pagpapatupad ng isang batas.
Bilang nasa mayorya, pabor si Sen. Ferdinand Marcos sa nasabing reporma para malinaw sa publiko kung saan napupunta ang pondo.
“Yes, very much. Ayaw naman namin na may duda ang tao dun sa paggamit sa pondo ng bayan,” saad ng senador, bagama’t maliit ang P50 milyon na matitipid sa isang taon, dagdag pa niya.
“It depends kasi which accounts to look at. Pero kung titingnan mo yung oversight committees, magkakaroon ng savings na P650 million from what the budget is from last year,” aniya.
Isa sa irerekomenda niyang alisin ang kaniyang dating oversight committee sa Special Purpose Vehicles (Act) sa nakalipas na kongreso, dahil tapos na ang scheme nito.
“On the other hand, may ibang oversight committee by mandate of law, ‘di mo naman pwedeng i-cancel unless baguhin mo yung batas. But kung wala nang functions ‘di na popondohan – ganun more or less… it’s just trying to make sense of the system of committee and the use of oversight committees, wika niya.
“Those that are mandated by law di mo magagalaw yan unless we will amend the law. Pero yung mga talagang tanggap ng lahat na di na kailangan, di na nagagamit, e siguro pwede na i-reorganize yun, yung by resolution, para maging maliwanag ang trabaho,” sabi ng senador.
“I’m sure the new Senate President will try to find as many savings as he can. But I think, more importantly, na rationalize nga yung ating committee system,” ayon kay Marcos. — Linda Bohol /LBG, GMA News